"Boto ng Kasambahay, Kaunlarang Abot-Kamay!"
Muntik nang maipasa ang Batas Kasambahay nitong simula ng 2007 ngunit inabutan na naman ito ng eleksyon. Mahigit isang milyong kasambahay sa loob ng bansa ang umasa�t bigo pa rin matapos ang mahigit sa isang dekadang pangangampanya.
Ayon sa National Statistics Office (NSO), tinatayang 1.2 milyon ang bilang ng mga kasambahay sa Pilipinas. Malaking bahagi nito ay mga kababaihan at kabataang konsentrado sa mga siyudad at first class municipalities. Malaking bilang ito upang tanyaging isang mahalagang sektor sa lipunan at hindi maikakailang malakas na boses sa isang demokrasya.
Sa tulong ng maraming organisasyon katulad ng Visayan Forum, mga estudyante, mga lider ng mga employers at manggagawang sektor, nasimulan ang pangangampanya para sa Batas Kasambahay noong 1996. Simple lang sana ang bottom line nito: itaas ang minimum wage mula sa kasalukuyang lebel na P800; benepisyo mula sa PhilHealth; at kasiguruhan sa trabaho at proteksyon sa talamak pa ring pang-aabuso sa pamamagitan ng paglinaw sa kontratang nakasaad na sa Labor Code.
Naging abot-kamay ang pagsasabatas nito. Dalawang beses itong naipasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong 1998 at 2001. Kapapasa rin lang nito sa Senado nitong nakaraang Enero. Umabot sa mahigit 90% ang public approval sa panukalang ito, ayon sa 2005 Social Weather Station (SWS) Survey.
Ngayong darating na eleksyon, muling mananawagan ang Kasambahay Sector tungo sa responsableng pakikilahok ng mahigit isang milyong kasapi nito. Malaki pa rin ang hamon upang udyukin ang bawat kasambahay na isagawa ang kanilang karapatang bumoto. Mas malaki ang hamon sa bawat kandidato na suyuin at suyuin ang bawat patak ng tiwala ng bawat rehistradong kasambahay.
Lumalarga na ang malawakang Voters Education Campaign ng mga kasambahay. Layunin nito na hasain ang pagkilatis sa tunay na ugali ng mga kandidato, kung makatao nga ba ang pagtrato nila sa sariling kasambahay. Layunin ring hamunin ang bawat kandidato na ilabas ang kongkretong plataporma para sa sektor.
Sa darating na ika-29 ng Abril, Linggo, sa okasyon ng taunang pagdiriwang ng Araw ng Kasambahay, sabay-kilos ang kulminasyon ng kampanya upang itala sa publiko ang nakalap na track record at plataporma ng bawat kandidato. Sinu-sino ba ang “Pro-Kasambahay”? Sinu-sino ba ang may malinaw na programa at kakayahang makipaglaban para sa sektor? Sinu-sino ba ang “role models” sa loob ng sariling pamamahay bilang employers na siyang batayan rin ng pag-uugali sa puwesto sa gobyerno?
Batayan ng Pagtiwala: Malinaw na Plataporma (Agenda)
Sa tantiya ng Visayan Forum, hindi bababa sa 30% o mahigit 300,000 sa isang milyong bilang ng mga kasambahay sa bansa ang rehistrado sa darating na eleksyon. Ngunit marami sa kanila ang walang tiwalang lumahok dahil malabo sa kanila ang kagyat na benepisyo ng pagboto para sa sinumang pulitiko. Kulang ang interes at motibasyon nila dahil walang malinaw na kaseguruhan na magkakaroon ng positibong epekto ang mga pulitiko sa kanilang buhay.
Sa katunayan, malaki ang epekto ng kasambahay sector sa darating na halalan kung bibigyan nila ng matamang pag-iisip ang pakikilahok. Malaking impluwensiya sa kanilang pagdedesisyon ang mapaliwanagan tungkol sa kahalagahan ng mga panawagan para sa sektor na ito. Kabilang na dito, ngunit hindi limitado sa sumusunod, ang:
1. Maipasa ng mga senador at kongresista ang Batas Kasambahay bilang priority bill sa loob ng unang isandaang araw ng ika-14 na Kongreso.
2. Kumbinsihin si Pangulong Arroyo na ihanay ang Batas Kasambahay sa kanyang State of the Nation Address sa pagbubukas ng Kongreso ngayong Hulyo.
3. Gawing priority sector ng bawat gubernador at meyor ang kasambahay sector, sa ilalim ng implementation mechanisms ng Womens’ and Children’s Code at Gender and Development Programs.
4. Maipasa ng city at municipal councilors ang modelong lokal na ordinansa sa kaukulang LGU upang ipagpatuloy ang kasambahay registration schemes at mandatory services, katulad ng pinangunahang panukala sa Quezon City, Makati, Bacolod at Iloilo.
5. Isulong ang mga pribadong inisiyatiba para masaklolohan ang mga inaabusong kasambahay, pondohan ang mga night schools at alternative training centers, suportahan ang training at advocacy sa hanay ng mga employers, at pagsasagawa ng seryosong lunas sa kahirapan na siyang tumutulak sa mga kabataan upang maging kasambahay.
6. Pagsuporta at pakikilahok ng bawat kandidato sa malawakang pagpili ng natatangi at modelong employers ayon sa mga batayang prinsipyo na isinusulong sa Gawad Employers ng Kasambahay 2007.
Simula ng Pagtitiwala: Ugaling Pro-Kasambahay (Qualities of a good candidate)
Importante ring simulan ang pagkilatis sa tunay na ugali ng mga kandidato. Marahil totoo nga na ang plataporma ay mauuwi lamang sa pormahan. Ngunit ang track record sa loob ng pamamahay, bilang amo, kapamilya at pangalawang magulang, ay nakaukit na. Batayan ito ng kanilang sinseridad sa kanilang katungkulan bilang public official.
Sentro ng Voters Education Campaign para sa mga kasambahay, employers, mga lider ng komunidad, estudyante at iba pang sektor ng lipunan, ang pag-aaral sa ugali at paninindigan ng mga kandidato.
Limang batayang pag-uugali ng kandidato na kailangang malaman:
1. Role Model. Bilang employer, makatao ba at kapamilya ba ang pagtrato niya sa sariling kasambahay? Regular ba ang kanyang pasuweldo, remittance sa SSS at pagbibigay ng day off?
2. Protector. Wala bang record ng pang-aabusong sekswal, berbal o pisikal? Hindi ba siya human rights violator at exploiter?
3. Performer. Tumulong ba siya sa pagpanukala ng lokal o pambansang batas para sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan, lalo na sa mga kasambahay? Naglunsad ba siya ng mga proyektong tumutugon sa ugat ng kahirapan at migrasyon?
4. Advocate. May malalim ba siyang kaalaman sa tunay na kalagayan ng kasambahay? Alam at sinusuportahan ba niya ang mga probisyon ng Batas Kasambahay? Sumuporta ba siya sa mga advocacy sa karapatan ng mga kabataan at kababaihan?
5. Visionary. May kongkreto na ba siyang plano upang isulong ang pagpasa ng Batas Kasambahay? May kakayahan ba siyang lumikop ng suporta mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan?
Ano ang kailangan nating gawin ngayon?
Hinihikayat ang grupo ng SUMAPI, ibang NGOs, POs at organisyong upang:
1. Maglunsad ng malawakang Voters Education Campaign sa mga pampublikong parke, eskwelahan, simbahan, subdivision, komunidad at iba pang konsentrasyon ng mga rehistradong kasambahay.
2. Maglunsad ng lokal at pambansang Candidates’ Forum upang mailantad ang mga tunay na Pro-Kasambahay candidates at ang kanilang plataporma para sa sektor.
3. Makipag-diyalogo gamit ang regular na radio guestings at tri-media campaigns.
4. Sumulat sa mga kandidato para sa public support ng Batas Kasambahay.
5. Sumulat kay Pangulong Arroyo na ihanay ang Batas Kasambahay sa kanyang State of the Nation Address sa pagbubukas ng Kongresso sa darating na Hulyo.
6. Hikayatin ang mga kandidato upang ipresenta ang sarili sa Gawad Employers ng Kasambahay 2007 campaign.
7. Lumahok sa darating na Araw ng Kasambahay ngayong Linggo, ika-29 ng Abril 2007.
8. Bumalangkas ng post-election plan upang i-monitor ang mga pangakong binitawan ngayong eleksyon.
Kahit hindi ganap na matutugunan ng eleksyong ito ang umiiral na kultura ng pagsasantabi sa kalagayan ng mga kasambahay, kailangan nating magsimulang makialam at makilahok sa pagkakataong ito. Patuloy rin tayong magmanman kahit tapos na ang eleksyon upang matupad ng mga pulitiko ang kanilang mga pangako.
Ang karapatang bumoto ng bawat kasambahay ay hindi pa nasusubukan. Himukin natin ang bawat kasambahay at mabubuting employers na maging responsible sa darating na eleksyon. Patunayan at ipakita natin na may tunay na Kasambahay Number Power!
|