Durugin ang ugat ng kahirapan, kawalan ng edukasyon: hamon ng mga batang manggagawa kay Gloria
Ang Pangulong Gloria Makapagal-Arroyo ay hinamon kahapon na gawing
tumpak at tugma sa natatanging pangangailangan ng mga batang manggagawa ang
dekalidad na edukasyon, sa abot-kaya nila, at ihain ang Anti-Child Labor
Act o SB 1530 bilang priority bill sa Senado.
Pinangunahan ng bagong DSWD Secretary Dinky Soliman ang mahigit 3,000 batang
maggagawa at lideres ng civil society ang patuloy na pagmartsa mula pag-aabuso
tungo sa edukasyon sa ika-3 anibersaryo ng Global March Against Child Labor sa
Quezon Memorial Circle.
Inaasahan din ng grupo na makapanayam ang presidente sa lalong madaling
panahon. (Arrangements are still being made as of press time.)
Umapela sila kay Arroyo, na dati ring DSWD chief sa nakaraang
administrasyon, na bigyang pansin and kapakanan ng mahigit 3.7 milyong
Pilipinong batang manggagawa "para tunay na malunasan ang sariwang hidwaan ng
bayan."
"Kung patuloy silang maghintay, araw-araw nasa panganib at nagdurusa,
malabong malunasan ang mas malalim pang sugat ng di pagkakapantay-pantay ng
ating lipunan," ayon sa bukas na liham ng Global March kay Arroyo.
Dagdag nito: "Ang child labor o ang mapagsamantalang patrabaho sa
mga bata ay isa sa mga lantarang at karumaldumal na uri ng pang-aabuso sa mga
batang Pilipino. Patuloy silang dumarami dahil sa kawalan ng hanapbuhay ng
kanilang mga magulang. Sa murang isip sinasakripisyo nila ang pag-aaral
makapangtawid gutom lamang. Sadyang lumilisan malayo sa pamilya upang
makipagsapalarang magtrabaho. Subalit, sa isang lipunang bumabangon muli sa
krisis pang-ekonomiya, ang child labor ay hindi nangangahulugang dagdag
na trabaho para sa mga mamamayan. Ang child labor ay ang patuloy na
pag-ikot ng tiwaling gulong ng kahirapan at kawalan ng oportunidad ng mapalayang
pagkabata.
"Malaki ang aming paniwala na gabay sa pambansang daan tungo sa
healing at stability ang malalim na pagrespeto sa masaklaw at
lehitimong People's Agenda, kasama ang patuloy na paglansag ng child
labor, lalung-lalu na ang pinakabusabos na mga uri nito," wakas nito.
May 3.7 milyong batang manggagawa sa ating bansa ngayon, mahigit 2.2 ang nasa
mapanganib na klase ng trabaho.
Nilagdaan ng Pilipinas ang International Labor Organization (ILO) Convention
No. 182 noong isang taon, na nagtatakda ng madaliang pagkilos laban sa mga
pinakamamalang uri ng child labor. Kabilang na dito ang pang-aalipin,
illegal recruitment, sapilitang pagsundalo, at mga trabahong
nakapipinsala sa kalusugan, kagalingan at moralida ng mga kabataan.
|