Anti-child labor law lagdaan na!
PILIPINO STAR NGAYON by Rudy Andal Wednesday,
November 19, 2003
Upang mawala ang hinala na binibigyan ng proteksiyon ang isang malaking film
outfit, hinikayat kahapon ni Senate President Franklin Drilon si Pangulong
Arroyo na lagdaan na nito ang anti-child labor law na nakabibin pa rin sa
Kongreso.
Sinabi ni Sen. Drilon, ang paglagda ni Pangulong Arroyo sa anti-child labor
bill ay magbubura ng impresyon na kaya ayaw nitong lagdaan ang nasabing
panukalang batas ay dahil na rin sa pagla-lobby ng isang malaking film outfit na
maraming alagang batang artista.
Ayon kay Drilon, sa sandaling lagdaan ni GMA ang nasabing batas ay
maipapakita nito na prayoridad ng Pangulo ang pagbibigay ng proteksiyon sa ating
mga kabataan mula sa child labor at exploitation.
Anya, ,kung hindi lalagdaan ng Pangulo ang anti-child labor law, posibleng
lumakas ang espekulasyon na hindi interesado ang kasalukuyang administrasyon na
puksain ang talamak na child labor sa bansa.
|