Kasama sa bahay, kapamilya, kasambayan
Mulat na ang nakararami sa katawagang kasambahay o "kasama sa bahay" bilang pagkilala sa kahalagahan ng mga cook, labandera at baby-sitters, ngunit kinakailangan pa ring linawin ang relasyong amo-katulong dahil sa mga pag-aabusong lumalantad araw-araw.
Magkaroon ng SSS, tamang pasahod at 13th month pay, malinaw na oras ng pagtratrabaho at pahinga, regular na days-off, karapatang mag-aral at pagbabawal ng mga menor de edad sa mapanganib ng trabaho - ilan lamang ang mga ito sa mga karapatang nakakaligtaan ng ating mga batas para kilalanin ang dignidad ng mga kasambahay na atin ding mga kapamilya.
Kaya sa paghahanda para sa mga malawakang pagkilos ngayong Labor Day, dapat ding pansinin ng pamahalaang Macapagal-Arroyo ang sektor na ito bilang mga kasambayan o kasama ng bayan.
Walang eksaktong tala sa bilang at kinaroroonan ng mga katulong. Ngunit ayon sa Visayan Forum, may mahigit isang milyong kalat at nakatagong mga kasambahay ang pagaan sa mga payak na gawaing pambahay at katuwang sa pag-aaruga ng mga anak ng kanilang mga amo kapalit sa mababang pasahod na kanilang pinapadala o remittance sa probinsya.
Simula ngayong Linggo, Abril 28, na bisperas ng Labor Day, ilulunsad ng Visayan Forum at ng International Labor Organization (ILO) ang sabayang pagdiriwang ng Araw ng mga Kasamabahay sa Manila, Bacolod at Davao.
Sa Quezon City Memorial Circle, tutulong ang iba't-bang volunteers para sa SSS-registration, medical check-up at libreng payo, mga palaro at disco sa may bandang skating rink simula alas-3 ng hapon.
Kasabay din ngayong Linggo ang paglulunsad mga Araw ng mga Kasambahay sa Bisayas (sa Bacolod Bays Center) at Mindanao (Assumption College of Davao).
Pormal na buksan ng Visayan Forum ang isang half-way house sa Sasa Port ng Davao sa tulong ng Philippine Ports Authority upang salain ang illegal recruitment ng mga kababaihan at menor de edad mula sa Mindanao. Sa Mayo 5, ipagpapatuloy ang Araw ng Kasambahay sa Batangas City Basilica Gym.
Ang taunang pagdiriwang ay sinimulan ng Visayan Forum noong 2000 para ipakilala ang Batas Kasambahay na inihain nina Cagayan Representative Jack Enrile at Senador Loren Legarda para iangat ang dignidad ng sektor at protektahan din ang mga amo sa mga pagmamalabis ng ilang kasambahay.
Nananawagan ang mga organisador na ikalendario na sa mga committee hearings ang dalawang taon nang nakabinbin na Batas Kasambahay sa batas pandayan ng kongreso at senado.
|